Wednesday, March 5, 2014

Pilitin ang mga Tao, Punuin ang Bahay ng Diyos


My SMART Journal
Bible Reading:Luke 14:15-24

S-ignificance: “Pilitin ang Mga Tao, Punuin Ninyo ang Aking Bahay.”

M-essage: “Kayat sinabi ng Panginoon sa alipin, ‘Lumabas ka sa lansangan at sa mga landas, at pilitin mong pumarito ang mga tao, upang mapuno ang aking bahay.”

                Ang mga talatang ito ay mula sa talinhaga ng Panginoong Hesus patungkol sa malaking piging na inihanda ng isang hari. Naihanda na ng hari ang lahat ngunit ang mga kaibigang naanyayahan ay ayaw dumalo at may kanya-kanyang dahilan. Hindi naging karapat-dapat ang mga naanyayahan kaya ang imbitasyon ay ibinigay na lamang sa mga pangkaraniwang tao. Pagbalik ng aliping inutusan ng hari para mag-imbita ng mga tao, may marami pa ring silid. Dito, sinabi na ng hari na pilitin ang mga tao na dumalo upang mapuno ang kanyang bahay.

                Kanino pa natin ito ihahambing kundi sa Diyos Ama na inihanda na ang langit para sa atin. Siya ay nag-aanyaya upang punuin natin ang Kanyang tahanan. Siya na Diyos na lumalang sa atin ang siyang may masidhing pagnanasa na bumalik tayo sa Kanyang tahanan. Napalayo na tayo sa Kanya dahil sa ating mga kasalanan. Hindi na tayo karapat-dapat subalit nandiyan pa rin Siya at gusto Niya na tayo ay pumasok at punuin ang Kanyang tahanan.

                Ang langit na tahanan ng Diyos ay binuksan para sa atin. Bihirang bubuksan ng isang napakayamang tao ang kanyang bahay para sa mga pangkaraniwang tao. Kung bubuksan man ng mayaman ang kanyang tahanan, ito’y para sa mga mayayamang kaibigan din. Subalit sa Diyos ay hindi. Hindi Siya nagtatangi; hindi Siya namimili—ang lahat ay inaanyayahan. Kabilang ka sa Kanyang inaanyayahan. Nasubukan mo na bang imbitahan ng isang kilala,mayaman at maimpluwesyang tao? Hindi ba’t pakiramdam mo ay espesyal ka? Tatanggi ka kaya kung siya na mismo ang nag-iimbita sa ‘yo?  Magdadahilan ka kaya at sasabihing hindi mo maharap ang dumalo? Uunahin mo kaya ang ibang mga bagay?

                Nakakalungkot, ngunit ganyan ang ginagawa ng  maraming tao sa Diyos! Ang Diyos ay nag-iimbita na dumalo sa Kanyang inihandang piging—ang kasal ng Kanyang Anak. Nag-aanyaya Siya na punuin natin ang Kanyang tahanan. Ano ang ginagawa ng tao sa paanyayang ito? Ano ba ang kanilang inuuna? Hindi ba’t mga bagay na pansarili lang? Ang mga bagay sa mundong ito ang ating pinagkakaabalahan at hindi ang mga bagay na patungkol sa Diyos. Dahil dito ay di napapahalagahan ang pinakadakilang paanyaya na dumating sa tanang buhay natin.

A-pplication: Para sa akin ang application ng talinhagang ito ay nag-iba na. Noong una, ang application nito sa akin ay tanggapin ang paanyaya ng Hari, ng Diyos patungo sa Kanyang tahanan. Tinanggaap ko ang paanyaya noong tinanggap ko ang Kanyang Anak na si Hesus sa aking puso.  Ngayon, ang application naman ng talinhagang ito sa buhay ko ay bilang alipin ng Diyos na nag-iimbita. Ang salita ng Diyos sa Kanyang alipin ang siyang nangungusap sa akin: “Pilitin mong pumarito ang mga tao upang mapuno ang  aking bahay.”

Paano ko ba pipilitin ang mga tao? Alangan namang tututukan ko sila ng baril at piliting tumanggap sa Panginoon. Di kaya kulungan ang bagsak ko niyan? Palagay ko, sa talatang ito, may kinalaman ang salitang “persistence”. Kapag ang mga tao’y  tumanggi, hindi tayo kaagad-agad sumusuko kundi nagpapatuloy pa rin. May mga tao kasing hindi nakukuha sa minsanan lamang. Maaring tumanggi sila ngayon pero pwedeng tumanggap bukas. May kinalaman din ang talata sa salitang “diligence” o kasipagan.  Kasi hindi magiging mapilit ang taong tamad; ‘yung taong masipag lang ang mapilit. Ang salitang “resourceful” ay maikakabit din natin sa taong mapilit; kasi gagawin niya ang lahat, gagamitin ang lahat ng paraan para magawa niya ang dapat niyang gawin. “Kung gusto, may paraan, kung ayaw, maraming dahilan,” ika nga nila.

R-esponse: Panginoon, bilang Inyong alipin, tulungan po Ninyo ako na magiging mapilit sa aking pag-aanyaya sa mga tao sa Iyong kaharian. Ilayo po niyo ako sa panghihina ng loob kung tumatanggi ang mga tao; sa halip ay lalo pang magpatuloy sa aking gawain bilang Inyong alipin. Dalangin ko po ang kasipagang nanggagaling sa inyo at tulungan Niyo po akong gamitin ang lahat sa akin at mag-isip ng iba-ibang paraan para mahikayat ko sila sa Inyo. Dalangin ko poi to sa pangalan ng Panginoong Hesus, Amen.

T-ext: Luke 14:23

No comments:

Post a Comment