Wednesday, March 5, 2014

"Erase! Erase! Erase!"


My SMART Journal
Bible Reading: Deuteronomy 12

S-ignificance: “Erase! Erase! Erase!”

M-essage: Sa puntong ito, sinasariwa ni Moises sa Israel ang utos ng Diyos sa kanila kapag napasa-kanila na  ang lupain ng Canaan. “Ito ang tuntunin na kailangan ninyong sundin sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh upang ariin ninyo habang panahon. Gibain ninyo ang lahat ng lugar na pinagdarausan nila ng pagsamba sa kanilang mga diyos-diyusan: sa itaas ng mga bundok, sa mga burol, at sa lilim ng mga punong-kahoy. Gibain ninyo ang kanilang mga altar, pagputol-putulin ang mga sagradong haligi, sunugin ang kanilang mga Asera, durugin ang kanilang mga diyus-diyusan, at alisin sa lugar na yaon ang anumang bakas nila.” (Deut. 12:1-3)

                Nais ng Diyos na burahin ng Israel ang mga taong nakatira sa lupaing yaon, pati ang kanilang mga diyus-diyusan at lahat ng mga bagay na may kaugnayan dito. Ang totoo’y ang lupang ito na ipinangako kay Abraham ay napuntahan na niya noon pa; subalit bakit hindi na lang siya dito pinatira noon pa upang sa ganun ay dito na rin isilang ang kanyang magiging angkan—ang bayan ng Israel? Ang kasagutan ng tanong na ito ay makikita sa Gen. 5:16. “Daraan muna ang apat na salinlahi bago sila makabalik dito, SAPAGKAT HIHINTAYIN KONG MAGING SUKDULAN ANG SAMA NG MGA AMOREO BAGO KO SILA PARUSAHAN AT PALAYASIN.”

                Ngayon na nga ang panahon at ang mga kasalanan ng mga nakatira sa lupaing ito ay umabot na sa sukdulan. Ngayon, sila’y ipinabubura ng Panginoon sa pamamagitan ng Israel. Partikular din ang Diyos patungkol sa pagbura ng mga lugar na pinagdausan nila ng kanilang pagsamba sa kanilang mga diyus-diyusan. Ang mga diyus-diyusang ito kasi ang nagbulid sa kanila sa sukdulang kasamaan.  Mas maliliwanagan pa tayo dito kung ating babasahin ang mga huling talata ng Deuteronomy 12.

                “Kapag napalayas na ni Yahweh ang mga tao sa lupaing iyon at kayo na ang nakatira doon, huwag ninyong tutularan ang kasuklam-sukalam nilang gawain. Ni huwag ninyong ipagtatanong ang ginagawa nilang pagsamba sa kanilang mga diyus-diyusan. Huwag ninyong gagawin kay Yahweh ang karumal-dumal na gawain nila sa pagsamba sa kanilang diyus-diyusan; ang pagsusunog ng kanilang mga anak bilang handog.” (Deut. 12:29-31).

                Kaya pala sila ipinabubura ng Diyos! Sukdulan na talaga ang kanilang kasamaan.  Paano magagawa ng isang magulang na susunugin ang kaniyang anak para lamang sa diyus-diyusan? Hindi ba’t natural sa isang magulang na kaawaan at protektahan ang kanyang anak? Sa ginagawa nilang ito, sa tingin ko, ang mga taong ito’y nilukuban na talaga ng masamang espiritu ni Satanas! Ang mga taong ito’y binigyan na ng Diyos ng mahabang panahon para magbago, ngunit sa halip na magsisi’t manumbalik sa Diyos ay lalo lang inialay ang kanilang mga sarili sa Diyablo, ang kaaway ng Diyos. Wala na talaga silang pag-asa, kaya’t sa pamamagitan ng bayan ng Diyos, ang Israel, ay ipinabubura sila pati ang kanilang ala-ala sa lupa. Kaya pala pati batang paslit at mga babae ay ipinapapatay ng Diyos (Deut. 3:6), sapagkat sa pagkakataong ito, sila’y parang kanser na dapat nang alisn. Para din silang mga sakit na nakakahawa, at masahol pa sa lahat, sila’y nakaalay na kay Satanas mula noong bata pa kaya’t wala na talagang  pag-asa. Kung hindi sila aalisin ng Diyos sa mundo, pag sila’y dumami pa, manganganib din ang buong sanlibutan.

A-pplication:  Kung minsan, mahirap unawain ang sinasabi ng Biblia na ang Diyos ay maawaing Diyos kung nababasa natin na ang Diyos ding ito ang nag-uutos sa mga Israelita na lipulin lahat at hindi ititira ang mga matatanda, mga babae at pati na ang mga bata. Ang mga lugar kasing ginawan ng ganito ay mga lugar na kung saan ay wala nang pag-asa at natapos na ang panahon na ibinigay ng Diyos sa kanila upang talikdan ang kanilang masasamang gawa. Ang tanong pa natin ay Diyos pa ba Siya ng awa kung pati batang musmos ay ipapapatay Niya? Oo, Diyos pa rin Siya ng awa sapagkat ang mga batang walang muwang na ito, kapag sila’y mamamatay ay deretso na sila sa langit. Mas mabuti pa nga na kunin na sila ng Diyos, kahit sa marahas na paraan kaysa lumaki sila sa ubod ng sama nilang  mga magulang. Tiyak kasi, paglaki nila, siguradong gagaya din sila sa pamumuhay ng mga nakakatanda sa napakasamang  lipunan na  iyon. Ang Diyos ay Diyos pa rin ng awa!

R-esponse: Siya nga naman, kapag ang isang tao ay may kanser sa isang kamay, puputulin ito ng doctor dahil siya’y naaawa. Masakit man ang hakbang na ito, ang dulot naman nito ay kaligtasan ng pasyente.

                Panginoon, maraming salamat po, dahil Kayo ay Diyos ng awa. Nagbibigay din kayo sa akin ng pagkakataon para magsisi sa aking mga nagagawang kasalanan; hindi Ninyo ako pinarurusahan agad. Patawarin Niyo po ako sa aking nagagawang pagkakamali. Salamat po dahil ang pasensiya Niyo sa akin ay napakahaba. Sa pangalan ng Panginoong Hesus, Amen.


T-ext: Deut. 12:1-3, 29-31; Deut. 3:6
                

No comments:

Post a Comment