Thursday, March 6, 2014

Huwag Bigyan Pagkakataon Ang Tukso


My SMART Journal
Bible Reading: Numbers 20-25

S-ignificance:      Huwag Bigyan ng Pagkakataon ang Tukso

M-essage: Ang matatanda ng Moab at ng Madian ay nagpunta kay Balaam, dala ang pag-upa rito. Sinabi nila ang ipinasasabi ni Balac tungkol sa masama niyang balak. Ganito ang tugon ni Balaam, “Dito na kayo matulog ngayong gabi para masabi ko agad sa inyo ang anumang sasabihin sa akin ni Yahweh.” Doon nga sila natulog (Num.22:7-8).

                Sa unang tingin, masasabi nating napaka-espirituwal ni Balaam dahil lahat ng isasagot niya ay isasangguni muna niya kay Yahweh. Subalit may panganib ang kanyang ginawa sapagkat nagkakaroon ng mas maraming panahon ang tukso na mag-ugat sa kanyang puso. Pinuntahan kasi siya ng mga sugo ni Haring Balac para pakiusapan sanang sumpain ang Israel. Marahil ay nakita ni Balaam ang mga dala-dala nila na pang-upa sa kanya para sa gawaing ito (22:7). Kaya imbes na tumanggi agad-agad ay pinatuloy pa sila at doon pa pinatulog. Sumangguni nga siya kay Yahweh, (baka sakali nga namang pumayag) pero mabuti na lang at di siya pinayagan. Ipinaalam ng Diyos sa kanya ang Kanyang kalooban—na “hindi siya dapat sumama samga taong iyon, na hindi niya dapat sumpain ang mga taong tinutukoy nila pagkat pinagpala na sila ng Diyos.” (22:12). Ang tanong ko’y, “Hindi pa ba alam ito ni Balaam? Kailangan pa bang itanong ito sa Diyos? Di ba dapat malinaw na ito sa kanya? Malinaw siguro dati, pero lumabo noong nakita ang dala-dala ng mga sugo ni Balak na pang-upa.Ngayon, dahil sa pinatuloy pa niya sila sa kanyang tahanan at doon pa pinatulog, lalong lumakas ang kinang ng tukso ng kayamanan sa kanyang puso dahil mas lalo niya itong napagmasdan.

A-pplication: Napakahalaga talaga na alam natin ang kalooban ng Diyos para matanggihan natin agad at palayasin sa ating buhay ang mga dumarating na alam nating hindi Niya kalooban. Napakahalaga din na hindi natin dapat ini- entertain ang mga bagay na nakakatukso. Ito ay mapanganib sa atin at di natin dapat pinaglalaruan sa ating mga buhay. Kayat  iwaksi natin agad ang mga ito at huwag nang magkunwaring mananalangin at tatanung-tanungin pa ang Diyos kung ito’y Kanyang kalooban. Ang delikado dito ay kagaya ng nangyari kay Balaam. Palagay ko, mula noong makita niya ang kayamanan na pang-upa ay hindi na ito mawaglit sa kanyang isipan. Ang sabi ng salita ng Diyos: “Neither give place to the devil.” (Eph.4:27).

R-esponse: Ngayon, nangungusap ang Salita ng Diyos sa akin na hindi ko dapat pinapatuloy ang tukso na bumibisita sa akin. Dapat sa kanya’y palayasin agad at ipagtabuyan bago pa niya buksan ang kanyang iniaalay na pangtukso sa akin. Tulungan Niyo po sana ako, Lord, Amen.

T-ext: Num. 22:7,8; Eph.4:27

No comments:

Post a Comment