Wednesday, March 5, 2014

Ang Pandaraya Kay Jacob


My SMART Journals
Bible Reading: Gen. 34-38


S-ignificance- Ang Pandaraya Kay Jacob

M-essage- Napakasakit! Matanda na nga si Jacob, dinaya pa siya at pinagsinungalingan ng kanyang mga anak. Ang kanyang pinakamamahal na anak na si Jose, anak na iniwan sa kanya ng kanyang pinakakamahal na asawang si Raquel ay pinagkaisahang ibenta ng kanyang mga kapatid pagkatapos ay pinalabas na nilapa ng mababangis na hayop. Noong nakita ni Jacob ang dugo sa ginawa niyang makulay na damit para sa kanyang anak na si Jose, inakala niyang patay na ito kaya’t siya ay tumangis at ipinagluksa ng mahabang panahon ang kanyang paboritong anak. Sinikap siyang aliwin ng kanyang mga anak ngunit patuloy ang kanyang pamimighati. Sinabi niya, “Mamamatay na akong nagdadalamhati dahil sa pagkawala ng aking anak na ito.” (Gen. 37:35). Kawawang matanda; hindi niya alam, siya’y pinagsinungalingan at dinaya ng kanyang mga anak.
                Ngunit alalahanin natin, si Jacob man, noong siya’y nasa kanyang kabataan pa, dinaya din niya at pinagsinungalingan ang kanyang ama na noo’y matandang-matanda na. Dinaya’t pinagsinungalingan niya noon ang kanyang ama sa pamamagitan ng balat ng kambing. Heto siya ngayon, dinaya’t pinagsinungalingan ng kanyang mga anak sa pamamagitan ng dugo ng kambing. Ang kanyang itinanim noon, pagkalipas ng maraming taon ay inani din niya ngayon. Ito rin ang sinasabi ng Salita ng Diyos, “What you sow, you shall reap” (Gal. 6:6).

A-pplication—Kaya’t tayong mga anak, mag-iingat tayong huwag magtatanim ng masama sa ating mga magulang sapagkat pagdating ng panahon ay aanihin din natin ito. Huwag sana tayong magdulot ng mga bagay na magbibigay ng pighati sa kanila. Tama na sana ang kahirapang dinanas nila noong tayo ay kanilang palakihin. Huwag na natin itong dagdagan pa lalo’t pag sila’y tumatanda na. Alalahanin natin ang sinasabi ng Salita ng Diyos, “Kung anong itinanim, siya ring aanihin.”

R-esponse—Imbes na mga bagay na magdudulot sa kanila ng kalungkutan, ang itatanim ko sa aking mga magulang ay mga bagay na magdudulot sa kanila ng kaligayahan, yamang matatanda na sila’t kakaunting panahon na lamang ang kanilang pamamalagi dito sa mundo.
                Panginoon, tulungan po ninyo  akong ipakita ang aking pagmamahal sa aking mga magulang habang kasama ko pa sila dito sa mundo, sa pangalan ng Panginoong Hesus, Amen.

T-ext—Gen. 37:12-36


image from www.gracerivers.com

No comments:

Post a Comment