Wednesday, March 5, 2014

Ang Pagpasok Ng Sumpa Sa Kampo



My SMART Journal
Bible Reading: Numbers 25


S-ignnificance: Ang Pagpasok ng Sumpa Sa Kampo ng Israel

M-essage: Sa mga nagdaang kabanata (Num.22-24), hindi masira-sira ni Haring Balac, hari ng mga Moabita, ang bayang Israel. Kahit pa sinubukan niyang  suhulan ang isang propeta (Balaam) para sumpain ito nang sa ganon ay matalo niya ito sa isang labanan. Walang nangyari, kahit anong gawin nila, hindi nila mapatumba ang Israel sapagkat ang Diyos ang sumasakanila. Hindi makapasok ang sumpa sa kanila sapagkat nasa kanila ang pagpapala ng Diyos.

                Ngunit sa kabanatang sumusunod (chapter 25), ay mukhang  pinasok na sila ng sumpa. At ang nagdulot ng sumpa ay hindi galing sa labas, kundi galing sa loob—mula din sa kanila. Sila ay nagsimulang gumawa ng kasalanan; dahil dito, nagalit nang husto ang Diyos sa kanila. Nagkaroon ng salot sa kampo ng Israel; ang galit ng Diyos sa kanila ay nag-umapoy!

                Ano ba ang dahilan ng pagpasok ng sumpa sa kanila?  Sa aking nakita, ang kanilang pagsamba, bagay na tanging sa Diyos lamang nila dapat ibinibigay, ay ibinigay nila sa iba—kay Baal na nasa Peor. Paano sila naakit sa ganoong pagsamba? Naakit muna sila sa mga babaeng hindi mananampalataya sa Diyos, at ang mga babaeng ito ang nanghikayat sa kanila para gawin iyon.

 Samantalang sila’y nakahimpil sa Sitim, sila’y sumiping sa mga babaeng Moabita. Inanyayahan sila ng mga ito sa paghahandog nila sa mga diyus-diyusan …kaya nakisamba na rin sila kay Baal-Peor kaya nagalit sa kanila si Yahweh.” (Num. 25:1-3).

                Dahil pumasok ang sumpa sa kampo ng Israel, kasabay nito ang pagpasok ng salot. Ang namatay sa salot na ito ay umabot sa 24,000 katao (Num.25:9). Ibang-iba ito sa kuwento ng nagdaang kabanata na kung saan ay “untouchable” ang mga Israelita. Ngayon, dahil sa kasalanan ay libu-libong katao ang napahamak at namatay.

                Mukhang hindi tumitigil si Satanas para lipulin ang Israel. Alam niyang para malipol sila, kailangang ipasok muna niya ang kasalanan sa kampo, at ang kasalanan ay magdadala ng sumpa, na siya namang magdadala ng salot sa kanilang buhay. Ano ang kanyang naisipang gawin tungkol dito? Una, gumamit siya ng mga instrumento, at sa pagkakataong ito ay ang mga babaeng Moabita (v.1). Nahulog sa tukso sa kanila ang mga kalalakihang Israelita at nang kumagat na sila sa pain, sila naman ay dinala ng mga ito sa pagsamba sa diyus-diyusan, bagay na kinasusuklaman ng Diyos. At paano naman naisakatuparan ang planong ito? Ginamit pa rin niya si Balaam para ipayo ang estratehiyang ito sa mga Moabita para mahulog sa kasalanan ang Israel at sila ay masumpa at nang sa ganon ay mas madali silang malipol. Alam nating nahulog din sa tukso ng salapi  ang propetang ito dahil hindi niya naitago ang kanyang ginawang kasalanan sa liwanag ng Salita ng Diyos.

“Behold, these caused the children of Israel THROUGH THE COUNSEL OF BALAAM to commit trespass against the Lord in the matter of Peor and there was a plague among the congregation of the Lord.” (Num.31:16).

“Naligaw sila ng landas. Tinularan nila si Balaam na anak ni Bosor—nagpapaupa siya sa paggawa ng kabuktutan.” (2 Pet. 2:15)

 Mukhang tumanggap din si Propeta Balaam ng upa mula sa mga kalaban ng Diyos, ayon sa talatang ito. Bumigay din siya sa tukso dahil sa hindi niya ito tahasang tinanggihan, kundi nagtanong-tanong pa kunwari sa Diyos kung ano ang kanyang kalooban.

“Nakakakilabot ang sasapitin nila, sapagkat sumunod sila sa halimbawa ni Cain. Tulad ni Balaam, sinugba nila ang kamalian dahil lamang sa salapi….” (Jude 11). Dito’y mukhang bumigay nga si Balaam sa pag-ibig sa salapi. Tinanggap din niya ang upa noong parang  hindi na tayo nakatingin sa kanya.

“Ngunit may hinanakit ako sa inyo dahil sa ilang  bagay: may ilan sa inyo ang sumusunod sa aral ni BALAAM NA NAGTURO KAY BALAC NA MAGBUNSOD SA MGA ISRAELITA NA MAGKASALA. Dahil dito, kumain sila ng pagkaing inihandog sa mga diyus-diyusan, at gumawa ng mga kahalayan.” (Rev. 2:14).

Dito ay malinaw, mula mismo sa mga bibig ng ating Panginoong Hesu-Kristo na si Balaam ang nagpayo kay Balac ng kanyang gagawin para masumpa ang Israel. Kaya malinaw na sa atin na si Balaam ay natukso din sa salaping dala-dala ng mga sugo na pumunta sa kanyang  bahay.  Mula Numbers 22 hanggang 24, makikitang hindi naman bumigay si Balaam sa tuksong dala ni Haring Balac. Maganda pa nga ang ipinakita ni Balaam sa kanatang 24, talatang 17 kung saan ay inihula niya si Hesu-Kristo na anak ni David na maghahari balang araw. Ngunit ngayon, bakit tila nag-iba kaagad ang takbo ng kuwento. Maaring sa kapupursigi ni Balac ay bumigay din si Balaam. Isa pa’y hindi porke nagagamit ka ng Diyos ngayon ay di ka na maaaring mahuhulog sa tukso bukas.

A-pplication: Kagaya din ni Haring Balac, si Satanas ay hindi tumitigil sa paghikayat sa atin na bumigay sa kanyang tukso. Hindi tayo makakasigurado na porke’t nagagamit tayo ng Diyos ay hindi na tayo mahuhulog dito. Pakatandaan natin na alam ito ni Satanas, na para tayo kanyang masira, kailangang matukso niya tayong gawin ang kasalanan. Ang kasalanan ang siyang magdadala ng sumpa at siyang sisira sa buhay natin. Kagaya ni Balac, hindi siya tumitigil hanggat di niya nakukuha ang gusto niya. Nawa’y magsilbing aral ito sa atin.

R-esponse: Panginoon, ipinapasakop ko po sa Inyo sa araw na ito ang aking buhay. Sa tulong Niyo at kapangyarihan ay nilalabanan ko ang diyablo at ang kanyang pagtukso. Tinatanggihan ko ang anumang bagay na iniaalay niya sa akin. Bigyan Niyo po ako ng kagutuman sa mga bagay na nauukol sa Inyo upang mawala ang mga pagnanasang nauukol sa kanya. Ito po ang aking samo at dalangin sa pangalan ng Panginoong Hesus, Amen!

T-ext: Numbers 25:1-3; Num. 31:16; 2 Pet. 2:15; Jude 11; Rev. 2:14


                Ano na ang nangyari kay Propeta Balaam? Paano siya namatay? Sa kanyang orakulo sa Numbers 23, binigkas niya ang kanyang ninanais na uri ng kamatayan:
“Ang nais kong kamatayan ay tulad ng sa taong banal…” (Numbers 23:10)

Ngunit ang kahilingang ito ni Balaam ay hindi nangyari dahil siya ay namatay sa paghatol ng Diyos sa pamamagitan ng tabak ng Israel:

“Napatay nila ang limang hari ng Madian na sina Evi, Requem, Zur, Hur, at Reba, pati si Balaam na anak ni Beor.” Num. 31:8

No comments:

Post a Comment