Wednesday, March 5, 2014

Mga Tanong Na NAgbibigay Linaw


My SMART Journal
Bible Reading: Numbers 20-25

S-ignificance:     Mga Tanong Na Nagbibigay-Linaw

M-essage: “ Itinanong ni Yahweh kay Balaam, “Sino yang mga taong iyan?” (Num.22:9)

                Kapag ang Diyos ay nagtanong sa tao, hindi ibig sabihin na hindi Niya alam ang sagot. Ang katotohanan ay alam Niya ang lahat ng bagay t walang nalilingid sa Kanya. Kaya, kung Siya’y nagtanong, hindi ito ibig sabihin na ignorante Siya at kailangan pang turuan ng tao. Ang Diyos ay “omniscient or all-knowing”, ibig sabihin ay alam Niya ang lahat ng bagay. Eh, bakit nga Siya nagtatanong;  alam na pala Niya ang lahat ng sagot?

                Una, sa palagay ko, kapag ang Diyos ay nagtanong sa tao, ito ay upang ibukas ang kanyang mga mata sa katotohanan dahil sa siya ay mapipilitang mag-isip ng malalim. Pangalawa ay upang gisingin ang kanyang konsensiya, para Makita niya ang kanyang kasalanan. Ganito kasi ang ginawa ng Diyos sa ilang pagkakataon at titignan natin ang ilan dito:

ANG TANONG NG DIYOS KAY ADAN

1.       “Saan ka naroon?” (Gen.3:9)
Alam ng Diyos kung nasaan si Adan; siya’y nagtatago sa kakahuyan dahil sa kahihiyan. Ngunit kung tayo’y mag-iisip na mabuti, halimbawang tayo ay nasa kalagayan ni Adan, ganito siguro ang nasa ating isipan: “Oo nga ano? Saan na ako naroroon? Anon a ngayon ang kalagayan ko? Nasaan na ang sinasabi ng ahas na magiging diyos ako kapag kumain ako ng ipinagbabawal na bunga? Hindi naman pala sa kalagayan ng isang Diyos napuntahan ko; sa halip, heto’t  nawala na ako sa aking dating magandang kalagayan! Wala din ako sa sinasabi ng Diyablo na kalagayan ko; nasaan na ako ngayon? Ako’y nasadlak sa putik ng kasalanan! Panginoon, narito po ako sa kahabag-habag na kalagayan!!!

2.        “Sinong may-sabi sa iyong hubad ka?” tanong ng Diyos. Bakit kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?”

"Sino nga ba ang nagsabi sa akin na hubad ako? Wala ka namang sinasabi; basta nasasabi ko na lang ang mga negatibong bagay patungkol sa aking sarili mula nang magkasala ako sa Iyo!”
Alam ng Diyos na kumain sila ng bungang ipinagbawal Niya, subalit mas gusto ng Diyos na si Adan at Eba mismo ang magsabi nito sa Kanya. Ang tawag sa ganitong pagsasabi ng kasalanan ay “confession.”  “Panginoon,  kinain ko po yung ipinagbabawal Niyo sa akin…” Kung ang Diyos kasi mismo ang siyang babanggit nito sa kanila, ang dating na nito ay isang paghatol o judgment“Kinain niyo ang bungang ipinagbabawal ko sa inyo!” Mas malayong maganda talaga kung sa ating bibig nagmumula ang pagsambit ng ating mga kasalanan at ang Diyos ang nakikinig, kaysa sa Diyos ang nagbabanggit isa-isa sa ating mga kasalanan at tayo naman ang nakikinig. Mas maganda ang confession kaysa judgment!


ANG TANONG NG DIYOS KAY EBA

“Bakit mo ginawa iyon?” Sa KJV English ay “What is this that thou hast done?” “Ano itong ginawa mo?”

Ano itong ginawa ko? Sinuway ko ang utos ng Diyos na nagmamahal sa akin. Mas pinakinggan ko ang tinig ng Kanyang kalaban sa haliptinig Niya. Mas pinaniwalaan ko ang salita ng Diyablo kaysa sa Salita ng Diyos. Ano itong ginawa ko? Nagkasala na nga ako, nandamay pa ako ng iba!Ano itong ginawa ko? Tinulungan ko pa si Satanas na iabagsak din pati si Adan! Sapat na sanang ako lang ang magkasala, subalit ano ang ginawa ko? Idinamay ko pa si Adan.  Ano itong ginawa ko?


                ANG TANONG NG DIYOS KAY CAIN

                “Tinanong ni Yahweh si Cain, “Nasaan si Abel?” (Gen.4:9)

                        Alam ng Diyos kung nasaan si Abel. Siya’y nakahandusay sa kabukiran at wala nang buhay. Siya’y pinatay ng kanyang kapatid na si Cain. Alam ng Diyos kung ano ang nangyari at kung nasaan si Abel. Bakit pa Niya tinatanong?

                Balang araw, ito rin ang itatanong sa atin ng Diyos kung may mahal ayo sa buhay na napahamak o hindi natin nakasama sa langit, sa kahariang walang-hanggan. “Nasaan ang iyong kapatid?”, “Nasaan ang iyong ina, ama, anak?” Kaya itinanong ng Diyos ito ay para malaman nating mga Kristiyano ngayon na ang Diyos pala ay hinahanap sa atin an gating mga mahal sa buhay. Dahil dito, gagawa na tayo ng paraan; ibabahagi na natin ang kaligtasan sa ating mga mahal sa buhay nang maiwasan nating tinatanong tayo kung nasaan sila.

                Nasaan ang iyong kapatid, anak, ama, ina, etc.? Di ba’t malapit ka lang sa piling nila? Ano ang ginawa mo sa ilaw (Mk.4:21) na taglay mo?Bakit hindi sila nakakilalal sa Akin? Itinago mob a ang ilaw na ‘yon? Ikinahiya mob a ako sa kanila? Nasaan ang iyong kapatid, ama at ina? Bakit nag-iisa ka lang? Binigyan kita ng mahabang panahon para ibahagi ang kaligtasan sa kanila, anong ginawa mo sa mahabang pagkakataon na iyon? Nasaan ang iyong mga mahal sa buhay? Baki ‘di kayo kumpleto sa pagharap sa akin? Gusto ko rin silang makapiling sana.  Sana hindi ganito ang mga tanong sa atin balang araw.

                Ang sagot ni Cain sa Diyos ay pabalbal—“Bakit, ako ba ang tagapag-ingat ng aking kapatid?” Hindi niya alam, siya dapat talaga ang mag-iingat sa kanyang kapatid. Sino pa ba ang mag-iingat  sa ating mga mahal sa buhay kundi tayo rin? Pero, heto, kabaliktaran ang ginawa ni Cain. Hindi niya ginawa ang kanyang responsilbilidad na ito. “Am I my brother’s keeper?”, tanong pa niya sa Diyos.  Yes, you are your brother’s keeper! Tayo talaga ang  tagapag-alaga at tagapag-ingat  sa ating mga mahal sa buhay. Pag sila’y nawala, hahanapin sila ng Diyos sa atin.

                Marami pang beses na ang Diyos ay nagtatanong sa mga tao. Kung titignan natin ang ebanghelyo, mapapansin din natin ang Panginoong Hesus ay laging nagtatanong. Ang mga tanong na ito’y itututlak tayo para mag-isip pa ng mas malalim para matagpuan natin ang katotohanan. Magandang pag-aralan ito sa ating personal Bible study at makikita natin ang ilang pagkakataon na ang Panginoong Hesus ay sinasagot ang ilang mga tanong ng mga tao sa pamamagitan ng isang tanong din! Nakakatawa, pero totoo.  Samantala, balikan natin ang tanong ng Diyos kay Balaam: “Sino yang mga taong iyan?”

                Alangan namang  may mga taong di kilala ng Diyos? Kilala niya ang lahat ng tao, pati bilang ng kanilang mga buhok ay alam Niya! (Matt. 10:30). Maging ang iniisip ng sinumang tao ay alam Niya. Ano ang ibig sabihin ng tanong Niyang ito kung ganon?

                “Sino ang mga taong iyan, Balaam?” Di mob a alm na ang mga taong iyan ay laban sa Akin? Di mob a alam na plano nilang lipulin ang Aking baying Israel, na Aking  minamahal? Ang mga taong iyan ay masamang impluwensya sa buhay mo; aakitin ka nilang gumawa ng mga bagay na laban sa Akin! Sila ang mga magiging dahilan ng iyong ikababagsak. Pag-isipan mong mabuti kung dapat bang tanggapin mo sila at patuluyin sa iyong bahay. Tignan mong mabuti kung sino ang mga taong iyan!

                Hindi kasi kinikilatis na mabuti ni Balaam ang mga taong iyon.  (Baka yung dala nilang pang-upa ang nakilatis niyang mabuti). Hindi niya kasi tinatanong  ang kanyang sarili kaya tuloy, ang Diyos ang nagtanong nito sa kanya!


A-PPLICATION:  Kung ganon, di tayo dapat tumanggap ng sinumang tao, o anumang bagay, o anumang katuruan, o anumang bagay na nakakatukso na tayo’y magkasala; di natin dapat pinapapasok sa ating bahay at buhay. Kilatising mabuti ang mga ito. Kung ito’y hindi sa Diyos, huwag tatanggapin. Huwag nating gayahin si Balaam na pinatuloy pa ito sa kanyang bahay. Ano ba ang sinasabi ng Salita ng Diyos na dapat nating gawin? Si Apostol Juan ay sumulat sa atin sa kalooban ng Diyos patungkol dito kung maling aral ang pinag-uusapan: “Sinumang dumating sa inyo na ibang turo ang dala ay huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, ni huwag ninyong batiin, Sapagkat ang bumabati sa kanya ay nagiging kaisa niya sa masasamang gawain”(2 John 10,11).  At patungkol naman sa kasalanan at sa diyablo, ito ang sabi ni Apostol Pablo: “Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo” (Eph.4:27). At mula naman kay Santiago ay: “…  pasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan niya kayo” (James4:7).

R-esponse: Panginoon, tulungan Niyo po ako sa panahon na may kumakatok na tukso o mga maling bagay sa aking buhay. Tulungan Niyo po ako sa aking pagpapasakop sa Inyo nang sa ganon ay malabanan ko ang diyablo at ito ay lalayo sa aking buhay. Hinihiling kop o ito sa Inyong pangalan, Panginoong Hesus, Amen!

Text: Num. 22:9; 2 Jn. 10,11; Eph. 4:27;Jas. 4:7

No comments:

Post a Comment